A story I made when I “lost” my mobile phone last June 2006.
Papasok ako ng office sa Ortigas from my apartment sa Pantranco. Sumakay ako ng jeep papuntang Philcoa from Pantranco (in front of Jollibee). Inaantok antok pa ko dahil puyat sa kung anong dahilan na di niyo na kailangan malaman. So naiidlip idlip ako sa jeep nang biglang nagkaron ng kaguluhan. May 2 kalalakihan ang nanghoholdap. Nasa bandang estribo ang isa, samantalang nasa bandang gitna naman ang isa. nakaupo ako sa likod ng driver so medyo malayo ako dun sa holdaper. Pilit niyang kinukuha yun bag ng babaeng katabi niya. Maganda siguro ang cellphone kasi sigaw siya ng sigaw at ayaw ibigay ang bag. Maganda yun babae. Chinita, maputi, shoulder length ang buhok, maliit at mapula ang labi, medyo matangos ang ilong, maganda ang kutis, nursing ata ang course. In the end, nagtagumpay ang masamang loob na makuha ang bag ng magandang dilag. Tinutukan nila ang iba pang pasahero para hingin ang kanilang mahahalagang gamit. Mabuti na lang at nang mga oras na iyon ay kasalukuyan na kaming bumabaybay sa delta. Nagkataong may police outpost doon. Ginilid ng driver nang mamataan niya ang police station. Nataranta ang mga magnanakaw. Nakatalon agad yun isang nakapwesto sa may estribo samantalang ang isa na katabi ng magandang babae ay hindi pa. Nang magtatangka na siyang tumalon mula sa jeep, nakaisip ako ng isang malabayaning aksyon. Dinukot ko ang cellphone ko mula sa aking bulsa at ibinato sa patakbong magnanakaw. sakto namang tinamaan siya sa ulo nang patalon siya mula sa jeep kaya naman nawalan siya ng balanse at nalaglag sa daan. Swerte lang niya at nakaiwas ang sumusunod na revo at hindi siya nasagasaan. Hininto ng driver ang jeep. Nagbabaan ang mga kalalakihan at ginulpi ang magnanakaw.
Matapos ang pangyayaring iyon, nagkatinginan kami ng magandang dalaga. Naiiyak siyang nagpasalamat sa ginawa kong kabayanihan. Nagkataon palang di lang cellphone niya ang nasa bag – naroon din ang pang-tuition niya. Oo ngayon pa lang sana siya magbabayad dahil kulang ang kanyang pera noong enrolment. Kurot sa puso ang magandang pangyayari. Tumagal at mas lumagkit ang aming pagtitinginan. Namalayan ko na lang na habang hawak na namin ang kamay ng isa’t isa unti unting na palang naglapit ang aming mga labi. Ngunit sa di inaasahang pangyayari ay nalubak ang jeep. Dumukot ako sa bulsang kinalalagyan ng cellphone ko… kinapa ang iba pang bulsa… nagbukas ng bag… naghanap sa kailailaliman… at napagtantong gising na ako at wala na ang cellphone ko.
